Sa muling pagsuka ng tinta mula sa panulat,
Hayaan mong bigkasin ng naninimdim na mga letra
Ang pagdadalamhating sikata’t lubugan ng araw,
Ulana’t arawan kasama ang ligalig na hanging
Yumayakap at nagpapanginig sa yayat na katawang
Kumibo’t dili sa makailang ulit na panghahalina ng bukas-
Bukas na ibinalot sa kumpol ng nangingitim na ulap.
Pumalahaw sa tinig ng piping mga langgam,
Sa masuyong pagsayaw ng damong uhaw
Sa kiming pagbati ng nagpapatihulog na bunga ng ipil-ipil,
Sa pag-uulayaw ng dalawang bubot na bunga mula sa puno ng kaymito…
Itangis ang namahay na hikbi sa puso,
Gaya ng pagtangis ng pitong bala kapag pinaputok ang mga ito.
Tumatangis ang tinta ng panulat,
kasamang itangis ang mga basurang tatlong siglo
ang bibilangin para lamang tuluyang maglaho,
-tatlong siglo para sa naputol na tinidor,
-tatlng siglo para sa styro
-tatong siglo para sa piraso ng straw .
Muli, sumusuka ang panulat.
Ilabas ang lahat ng mailalabas,
Pigilan ang mga kamay sa pagbusal sa umaagos na gripo
- ang trapo .
Dahil bibilang muli ng tatlong siglo
upang panulat at pagsusulat ay muling magtagpo.
No comments:
Post a Comment