September 23, 2008

Aglahi sa Setyembre

Higit sa pagtatalik ng gunita at papel;
Nais kong bigyang daan ang masaganang pagdaloy ng balintunay
Mula sa kaibuturan ng damdaming ginipit
Ng pagkukunwari’t labis-labis na karinyo
Tungo sa isipang makailang ulit pinaralisa ng takot
Dala ng mapambuskang bukas.

Hugutin ang pinakamalim na buntong hininga,
Hasaing maigi hanggang sa ang talim nito’y sumapat sa purol ng aking panulat.
Sapagkat ilang sandali mula ngayon
ay iguguhit nito ang larawan ng masuyong pagkabalisa,
habang niyayakap ang hubad na katawan nitong gabi
na lalong nagpapalinsad sa mga butong pinarupok ng naipong kahihiyan.

Muling dadalawin ng dapit-hapon yaring mga matang
Nasanay sa liwanag ng araw;
Isara ang pinto.
Tatlumpong minuto na pagtakas ng ulirat,
Malamig ang mga bisig ng may hinampong si Habagat.

2 comments:

Anonymous said...

i love the "lalim" of the poem but i am confused with the message emphasized.......nose bleed ako in other words. haha!

keep up the good verses !

-ligaw na paru-paro

Anonymous said...

ang mensahe ng isang tula ay sang ayon sa pagkakaintindi ng mambabasa dito. hindi kinakailangang ang implikasyon nito saio ay gaya rin ng implikasyon ng sumulat o ng iba pang mambabasa. apir.